Bilang bahagi ng selebrasyon ng National Maritime Week 2025, matagumpay na isinagawa noong Setyembre 25, 2025 ang isang port educational tour sa Nasipit Port na nilahukan ng tatlumpung (30) estudyante at kanilang guro mula sa College of Tourism and Hospitality Management ng Saint Michael College of Caraga (SMCC). Ang gawain ay pinangasiwaan ng PMO Agusan Port Services at Port Police Divisions sa pakikipagtulungan ng Globalport Agusan Terminal, Inc. (GATI).

Mainit na sinalubong ni Acting Port Manager Atty. Kahlil L. Lamigo ang mga kalahok at binigyang-diin ang mahalagang papel ng mga pantalan sa supply chain at ang ambag nito sa pag-unlad ng kalakalan at turismo.

Ipinakita sa mga estudyante ang iba’t ibang pasilidad at ang aktuwal na operasyon ng barko at kargamento sa Nasipit Port. Kabilang dito ang pagbisita sa Integrated Port Access Control Center (IPACC) na gumagamit ng Baggage X-ray Machine (BXM) at Walkthrough Metal Detector (WMD) para sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa pantalan. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng Personal Protective Equipment (PPE) at ang tamang proseso sa cargo handling operations, maritime security, environmental protection, at safety management.

Bahagi rin ng aktibidad ang pag-ikot sa Cokaliong M/V Filipinas Agusan del Norte kung saan ipinakita ng mga opisyal ng barko ang iba’t ibang pasilidad nito, partikular ang bridge area at mga kagamitang ginagamit sa navigation.

Ipinarating naman ni Marisol Parillo, SMCC Coordinator, ang kanyang pasasalamat sa PMO Agusan at GATI sa maayos na pagsalubong at organisadong pagsasagawa ng tour. Inihayag niya na ang karanasang ito ay mahalagang hakbang sa pagpapalawak ng kaalaman at kasanayan ng mga estudyante bilang paghahanda sa kanilang hinaharap na propesyon.

#PPA

#PhilippinePortsAuthority

#PhPorts

#BagongPilipinas

#KomyuterMuna

“𝑺𝒂 𝒑𝒓𝒐𝒈𝒓𝒆𝒔𝒊𝒃𝒐𝒏𝒈 𝑷𝒂𝒏𝒕𝒂𝒍𝒂𝒏, 𝒂𝒂𝒔𝒆𝒏𝒔𝒐 𝒂𝒏𝒈 𝒃𝒂𝒚𝒂𝒏.”

Facebook: @portsauthorityph

X: @ph_ports

Youtube:@ph_ports

Instagram:@ph_ports

Tiktok: @ph_ports