Bilang bahagi ng pagsusumikap ng PMO Agusan na mas mapabuti ang kalinisan, kaayusan, at kahusayan sa trabaho, matagumpay na inilunsad ang 7S – Quality Workplace Management sa pangunguna ng Administrative Division noong Pebrero 3, 2025, sa PMO Multipurpose Hall. Dinaluhan ito ng 76 na regular at Contract of Service (COS) na empleyado mula sa iba’t ibang dibisyon ng PMO.
Sa pagbubukas ng programa, ipinaliwanag ng 7S team members ang mga proseso at mahahalagang aspeto ng 7S bilang isang mabisang sistema sa pagpapabuti ng kaayusan, kahusayan, at kaligtasan sa lugar ng trabaho. Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng sistematikong pagsasaayos at pagpapanatili ng kalinisan upang makalikha ng isang mas maayos, masinop, at ligtas na kapaligiran sa trabaho.
Binigyan ang mga kawani ng dalawang linggo upang pagbukurin (sort) at ayusin (set in order) ang kani-kanilang mga lugar ng trabaho bago isagawa ng 7S team members ang opisyal na red tagging ng mga hindi ligtas na kable ng kuryente at mga dokumentong hindi sistematikong nakaayos. Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng PMO Agusan na mapahusay ang kaayusan, kaligtasan, at pagiging mas masinop sa pang-araw-araw na operasyon ng tanggapan.
Sa pamamagitan ng programang ito, layunin ng PMO Agusan na maisulong ang isang malinis, organisado, at ligtas na lugar ng trabaho, na magsusulong ng mas mataas na produktibidad at kalidad ng serbisyo, at magbibigay daan para sa mahusay at epektibong pagganap sa lahat ng aspeto ng operasyon, kabilang ang paghahatid ng mga serbisyong pantalan.
“𝑺𝒂 𝒑𝒓𝒐𝒈𝒓𝒆𝒔𝒊𝒃𝒐𝒏𝒈 𝑷𝒂𝒏𝒕𝒂𝒍𝒂𝒏, 𝒂𝒂𝒔𝒆𝒏𝒔𝒐 𝒂𝒏𝒈 𝒃𝒂𝒚𝒂𝒏.”
Facebook: @portsauthorityph
X: @ph_ports
Youtube:@ph_ports
Instagram:@ph_ports
Tiktok: @ph_ports

















