Upang higit na matiyak ang ligtas at maginhawang paglalakbay ng mga pasaherong pandagat ngayong Semana Santa at summer vacation, pinalakas ng PMO Agusan ang mga hakbang para sa seguridad at kaayusan sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos 2025 sa Pantalan ng Nasipit, sa pakikipagtulungan ng LGU-Nasipit at iba pang pangunahing stakeholders.
Mula Abril 13 hanggang 20, ipinatupad ng mga kawani mula sa Port Services Division (PSD) at Port Police Division (PPD), katuwang ang Globalport Agusan Terminal, Inc. (GATI), LGU-Nasipit, mga opisyal ng Brgy. Talisay, at mga manggagawa mula sa Richland United Solutions, Inc., ang mga hakbang sa kaligtasan at seguridad alinsunod sa Memorandum mula sa PPA General Manager na inilabas noong Marso 18, 2025. Sinusuportahan ito ng PMO Port Operations Bulletin Advisory noong Abril 7, 2025, na naglalaman ng mga panuntunan para sa maayos na pagpapatupad ng Oplan Biyaheng Ayos.
Naglagay rin ng mga tarpaulin sa mga estratehikong lugar sa loob ng pantalan na naglalaman ng Municipal Ordinance No. 014, Series of 2024 ng LGU-Nasipit na nagbabawal sa pagbenta ng overpriced tickets (ticket scalping) at nagtatakda ng karampatang parusa sa mga lalabag nito. Ipinaskil rin ang opisyal na Nasipit Fare Matrix na naglalaman ng itinakdang pamasahe sa mga traysikel mula sa Nasipit Public Market o bus terminal patungo sa iba’t ibang lugar sa Nasipit, kabilang ang Nasipit Port, at pabalik. Layon nitong tiyakin ang transparency sa singil sa pamasahe at maiwasan ang overcharging o anumang uri ng anomalya.
Tiniyak din ng PMO ang pagkakaroon ng 24/7 Malasakit Helpdesk bilang isang one-stop shop para sa mga pasaherong nangangailangan ng tulong, pati na rin ng Quick Response Desk na handang tumugon sa mga reklamo at emerhensiya. Bukod dito, may mga pasilidad na inihanda para sa kaginhawaan ng mga pasahero tulad ng libreng payong, inuming tubig, WiFi, at iba pang serbisyong layong gawing mas komportable ang kanilang paghihintay sa biyahe.
“𝑺𝒂 𝒑𝒓𝒐𝒈𝒓𝒆𝒔𝒊𝒃𝒐𝒏𝒈 𝑷𝒂𝒏𝒕𝒂𝒍𝒂𝒏, 𝒂𝒂𝒔𝒆𝒏𝒔𝒐 𝒂𝒏𝒈 𝒃𝒂𝒚𝒂𝒏.”
Facebook: @portsauthorityph
X: @ph_ports
Youtube:@ph_ports
Instagram:@ph_ports
Tiktok: @ph_ports