Matagumpay na naisagawa ngayong araw, Abril 30, 2025, ang isang educational tour sa Nasipit Port ng labing-apat (14) na estudyante at kanilang guro mula sa Bachelor of Science in Industrial Engineering program ng Father Saturnino Urios University (FSUU). Ang aktibidad ay isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng mga kawani ng PMO Agusan mula sa Port Services, Administrative, at Port Police Divisions, katuwang ang Globalport Agusan Terminal, Inc. (GATI).
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng programang pang-akademiko ng FSUU na naglalayong mailapit sa mga mag-aaral ang aktuwal na kalakaran sa industriya. Isa sa mga kinakailangan ng programa ang pagbisita sa mga pabrika, research institutions, at iba’t ibang sektor upang higit na maunawaan ang mga proseso at sistemang kaugnay ng kanilang napiling propesyon.
Sinimulan ang pagbisita sa Berthing Meeting Area ng PICO Building, kung saan ipinalabas ang isang audio-visual presentation na naglalahad ng mahahalagang impormasyon hinggil sa operasyon ng PMO Agusan. Kasunod nito, isinagawa ang aktwal na pag-iikot o guided port tour sa loob ng Nasipit Port, kung saan nasilayan ng mga estudyante ang iba’t ibang pasilidad ng pantalan, kabilang ang Port Integrated Clearing Office (PICO), Passenger Terminal Building (PTB), Integrated Port Access Control Center (IPACC), Port Operations Building, at ang mismong lugar ng operasyon ng mga barko at kargamento.
Nagbigay ang nasabing pagbisita ng makabuluhang karanasan sa mga estudyante upang mapalawak ang kanilang kaalaman sa larangan ng port management, logistics, at mga teknikal na aspekto ng Industrial Engineering.
Ipinahayag ni Engr. Jacquilyn T. Nones, instruktor ng nasabing programa, ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mainit na pagtanggap at pag-asikaso ng mga kawani ng PMO Agusan at GATI. Aniya, ang mga kaalaman at karanasang nakuha ng mga estudyante mula sa pagbisitang ito ay tiyak na magiging mahalagang ambag sa kanilang pag-aaral at sa kanilang magiging propesyon sa hinaharap.
“𝑺𝒂 𝒑𝒓𝒐𝒈𝒓𝒆𝒔𝒊𝒃𝒐𝒏𝒈 𝑷𝒂𝒏𝒕𝒂𝒍𝒂𝒏, 𝒂𝒂𝒔𝒆𝒏𝒔𝒐 𝒂𝒏𝒈 𝒃𝒂𝒚𝒂𝒏.”
Facebook: @portsauthorityph
X: @ph_ports
Youtube:@ph_ports
Instagram:@ph_ports
Tiktok: @ph_ports